Tuesday, November 6, 2012

Ano’ng Tugon Mo?



Since it has been a year since I started writing reflections in this blog, I am led to write my first reflection in Tagalog.

Ang SALITA ng Diyos ngayong araw (http://usccb.org/bible/readings/110612.cfm) ay nagpapa-alala sa akin kung ano ang tugon ko sa tawag ng Diyos.

Lahat tayo ay tinatawag ng Diyos. Ang pagbabasa mo nito ay nangangahulugang ikaw at tinatawag, o ikaw ay naghahanap sa kanya. Minsan, hindi natin napapansin na tayo ay tinatawag na nya, sapagkat masyado tayong abala sa mga ginagawa natin sa mundo. Mahalaga na tayo ay maging sensitibo sa kanyang pagtawag sa atin, lalo na sa kabila ng distraksyon sa mundo.

Kapag tayo ay tinawag ng Diyos , kapag narinig natin ang tawag Niya, hindi tayo laging tumutugon. Minsan, para tayong mga tao sa ebanghelyo – kung ano ano ang palusot. Madami akong ginagawa, Lord, bukas na ako magsisimba o magdadasal. Medyo busy sa trabaho, Lord, bukas nalang ako tutulong sa ibang tao. May sakit ang pamilya ko, Lord, tsaka nalang ako kakalinga sa ibang nangangailangan. Minsan, kung ano ano ang ibinibigay nating dahilan, na minsan ay pakiramdam natin tama naman…di natin namamalayan na napapadalas na pala ang pag papalusot natin sa tawag ng Diyos.

Tayo ay inaanyayahan ngayon na hindi lang tumugon sa tawag na Diyos, ngunit gayahin din si Kristo. Sa unang pagbasa, sinabi na inilaan nya ang buo nyang sarili. Inialay nya lahat lahat sa Diyos. Hindi lang sya tumugon, ibinigay pa niya lahat sa Diyos. Dahil dito, dahil inialay at isinuko Niya ang kanyang buong pagkatao, siya’y biniyayaan ng Diyos. Ang paraan lang upang tayo ay biyayaan at magamit ng Diyos ay kung tutugon tayo at isusuko at iaalay natin an gating buong sarili para sa kanya.

Sa paanong paraan ako tinatawag ng Diyos upang maglingkod sa kanya? Ano ang mga nagiging balakid upang marinig ko ang tawag ng Diyos sa akin? Ano ang tugon ko sa tawag Niya? Nagpapalusot ba ako? Bakit? Ano ang kailangan ko upang tumugon sa kanya, upang isuko ang aking sarili sa kanya?

Panginoon,
Salamat sa isa nanamang araw na ibinigay mo sa akin. Salamat sa iyong salita na patuloy na gumagabay ay nagpapa alala sa akin. Lord,  hinihiling ko na ako ay lagi mong kulitin. Naway hindi ka magsawang tumawag sa akin, kahit na hindi sa lahat ng oras ay tumutugon ako sa iyo. Patawad sa mga pagkakataong puro palusot ako kapag tinatawag mo ako. Bigyan mo ako ng puso na magiging sensitibo sa tawag mo, ang sa tuwing maririnig ko ang tawag mo, naway tumugon ako at maging handing ialay ang aking pagkatao para sayo. Amen.

God Bless!

In Christ,
-g-


No comments:

Post a Comment